BMFI

RCED BDSI PEACE CENTER
| Articles | Context | Beginnings | Mission-Goals | Programs & Services | Officers & Staff | ReportsContact Us |
 

 

ARTICLES / ESSAYS

International Human Rights Day Declaration

"Ang pagkilala sa karapatan sa lupa ay susi sa pagkamit ng mga batayang karapatang pantao.

Sa lupa nakasalalay ang buhay ng uring magsasaka. Lupa ang nagbibigay sa amin ng pagkain, makabuluhang gawain, at pantustos sa lahat ng iba pang bagay na pagmumulan ng buhay na ganap at marangal. Sa lupa nakaugat ang aming pakikibahagi sa lipunan bilang taga-ani ng pagkain ng buong bansa. Mabubuo lamang ang pagkilala sa aming mga karapatang pantao kung igagalang at bibigyang-halaga ang aming karapatan sa lupa at ang lahat ng iba pang karapatang kaugnay nito.

Ngayong Pandaigdig na Araw ng Karapatang Pantao, iginigiit namin sa ilang nakakalimot o sa mga sadyang nagwawalang-bahala ang mga batayang karapatang sumasakop sa lahat. Balikan, tukuyin kung saan nagkulang, bigyan ng agarang tugon. Huwag takasan ang tungkuling itaguyod ang bawat isa sa karapatang ito.

Ang pagkilala sa karapatan sa lupa ay susi sa pagkamit ng mga batayang karapatang pantao."

Ang karapatan sa lupa ay karapatang pantao.

Mga Magsasaka ng Sumilao
10 Disyembre 2007

Pagpapahayag ng Karapatan ng Magsasakang Sumilao

Ang lahat ng tao'y isinilang na malaya at pantay-pantay sa karangalan at mga karapatan. Sila'y pinagkalooban ng katwiran at budhi at dapat magpalagayan ang isa't isa sa diwa ng pagkakapatiran.

Artikulo 1, Pandaigdig na
Pagpapahayag ng Karapatan ng Tao

Ireporma ug ipadayon ang balaod sa reporma agraryo!

Nasaan ang pagkakapantay-pantay kung matapos ang dalawampung taon ay libu-libo pa ring ektarya ng lupang sakahan ang hindi maipamahagi sa aming mga magsasakang karapat-dapat at nangangailangan?

Tanging sa karampatang pagkakaloob ng lupa maaaring magmula ang tunay na malaya at pantay na karangalan at karapatan naming mga magsasaka.

Panindigan ang nasimulang patakaran na ipagbuti ang antas ng uring magsasaka. Paunlarin at ipagpatuloy ang Comprehensive Agrarian Reform Law.


Ang bawat tao'y may karapatan sa buhay, kalayaan at kapanatagan ng sarili.

Artikulo 3, Pandaigdig na
Pagpapahayag ng Karapatan ng Tao

Ibalik ang dungog sa mga mag-uuma sa Sumilao!

Ibalik ang dangal ng mga magsasaka ng Sumilao sa pamamagitan ng agad-agarang pamamahagi ng lupa na magbibigay sa amin ng disenteng buhay at kinabukasan. Alinsunod dito ay ibigay sa amin ang proteksyon laban sa mga di-makatarungang banta sa aming malaya at mapayapang pagmamay-ari at pagbubungkal ng lupa. Ang higit na isang dekada na kami ay nawalay sa aming lupa, na siyang naging dahilan ng aming patuloy na pagkalugmok sa kahirapan, ay paglabag sa karapatang ito; gayundin ang patuloy na kawalan ng liwanag sa aming kinabukasan na bunga ng labis na kabagalan ng pagkilos ng DAR. Ang lahat ng ito’y naglalagay sa amin sa alanganin at nagdudulot ng aming kawalan ng kapanatagan sa sarili.


Ang lahat ay pantay-pantay sa harap ng batas at may karapatan sa walang pagtatangi ng pangangalaga ng batas. Ang lahat ay may karapatan sa pantay na pangangalaga laban sa ano mang pagtatangi-tanging nalalabag sa Pahayag na ito at laban sa ano mang pagbubuyo sa gayong pagtatangi-tangi.

Artikulo 7, Pandaigdig na
Pagpapahayag ng Karapatan ng Tao

Cease and Desist Order, karon na! Ipagawas ang Notice of Coverage ug Ipahiluna ang mga Mag-uuma sa Sumilao sa 144 ektaryang yutang agrikultura!

Ang repormang agraryo ay instrumento ng lipunan para wakasan ang ‘di pagkakapantay-pantay ng mga tao. Samakatuwid, ang papel ng DAR bilang pangunahing ahensya na nagpapatupad nito ay hindi bilang tagapamagitan kundi bilang tagapamandila at tagapagtaguyod ng interes at kapakanan naming mga mahihirap, walang lupa, at walang kapangyarihan. Ang malawak na ‘di pagkakapantay sa yaman at kapangyarihan ng mga may-ari ng lupa ang dapat nilulunasan ng DAR sa pamamagitan ng pagbibigay ng karampatang bigat sa aming kapakanan. Alinsunod dito, karapat-dapat lamang na agarang mag-issue ang DAR ng cease and desist order upang ‘di na lalong lumala ang kalagayan namin. Nararapat lamang na ang DAR ay maglabas na ng Notice of Coverage at sa pamamahagi nito ay siguruhin na kami ay malaya at mapayapang makapagbubungkal.


Ang bawat tao'y may karapatan sa mabisang lunas ng karampatang mga hukumang pambansa tungkol sa mga gawang lumalabag sa pangunahing mga karapatan na ipinagkaloob sa kanya ng saligang batas o ng batas.

Artikulo 8, Pandaigdig na
Pagpapahayag ng Karapatan ng Tao

Ideklara nga walay bili ang Conversion Order ug Itakda nga iligal ang pagtukod og babuyan sa 144 ektaryang yuta sa Sumilao!

Ang patuloy na paglabag ni Quisumbing sa Conversion Order, pagbenta ng lupa sa San Miguel, at iligal na pagtatayo ng San Miguel ng babuyan sa San Vicente, Sumilao ay hayagang paglabag ng batas sa repormang agraryo at lantarang pagyurak ng aming karapatan bilang magsasaka. Ang 60 araw ng aming paglalakad ay sobra-sobrang panahon na para madesisyunan ng DAR ang mga paglabag na ito; subalit ang tanging sinalubong sa amin ni Secretary Pangandaman ay ang paghihintay pa sa loob ng tatlong araw at ang paghingi ng mga dagdag na dokumento, gayong si Secretary Pangandaman ay mismong pumunta na at nagmasid sa aming lupain. Hanggang kailan mag-aaral si Secretary Pangandaman? Hanggang kailan kami maghihintay? Hanggang kailan kami maniniwala sa sistemang legal na kadalasan ay ginagamit na instrumento sa pagwawalang bahala ng aming mga karapatan?


Ang bawat tao'y may karapatan sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa kalusugan at kagalingan ng kanyang sarili at ng kanyang pamilya, kasama na ang pagkain, pananamit, paninirahan at pagpapagamot at kinakailangang mga paglilingkod panlipunan, at ng karapatan sa kapanatagan sa panahong walang gawain, pagkakasakit, pagkabalda, pagkabalo, katandaan at iba pang kakapusan sa ikabubuhay sa mga di-maiiwasang pangyayari.

Artikulo 25, Pandaigdig na
Pagpapahayag ng Karapatan ng Tao

Isuguro ang suportang serbisyo para sa mga mag-uuma sa Sumilao!

Bagamat mahalaga ang lupa para sa ikauunlad ng pamumuhay naming magsasasaka, ito ay hindi sapat. Kinakailangan namin ng sapat at angkop na suporta mula sa pamahalaan upang aming mapayaman at mapaunlad ang aming mga sakahan. Mahalaga para sa amin ang mga suportang serbisyo upang aming magampan ang aming tungkulin bilang mga tagapaglikha ng pagkain. Maliban sa suporta para sa produksyon, mahalaga rin ang mga batayang serbisyong panlipunan para sa aming ganap na kaunlaran bilang mga tao. Sa pamamagitan lamang ng magkakambal na mga suportang ito, katambal ang aming sipag at pagpupunyagi, namin lubusang mapapaunlad ang aming buhay.


Ang bawat tao'y may mga tungkulin sa pamayanan sa ikaaari lamang ng malaya at ganap na pagkaunlad ng kanyang pagkatao.

Sa paggamit ng kanyang mga karapatan at mga kalayaan, ang bawat tao'y masasaklaw lamang ng mga katakdaan gaya ng ipinapasya ng batas ng tanging sa layunin lamang ng pagtatamo ng kaukulang pagkilala at paggalang sa mga karapatan at mga kalayaan ng iba at sa pagtugon sa makatarungang kahilingan ng moralidad, kaayusang pambayan at ng pangkalahatang kagalingan sa isang demokratikong lipunan.

Ang mga karapatan at kalayaang ito ay hindi magagamit sa ano mang pangyayari nang nasasalungat sa mga layunin at mga simulain ng Mga Bansang Nagkakaisa.

Artikulo 29, Pandaigdig na
Pagpapahayag ng Karapatan ng Tao

Iapil sa lokal nga pagdumala ug kalambuan ang mga Mag-uuma sa Sumilao!

Pangunahing tungkulin ng lokal na pamahalaan ang pagtaguyod ng malayang pakikilahok ng mga mamamayan sa pamamahala. Ang ibinoto naming mga lider na sina Governor Zubiri at Mayor Baula ang mismong naging tagapamagitan sa transaksiyon na pagbenta ng 144 ektarya sa San Miguel upang gawing babuyan. Sa pamamagitan ng mga pekeng dokumento at pekeng konsultasyon ay sinabi nilang suportado namin ang proyektong babuyan. Ito’y isang malaking kasinungalingan at tahasang pagsagasa ng aming karapatan!

Isinasaad sa batas ukol sa lokal na pamamahala ang kapangyarihan naming magpasya kung anong uri ng kaunlaran ang nababagay sa amin at kung paano namin ito isusulong. Sina Governor Zubiri at Mayor Baula lamang ang may gusto ng babuyan! Lupang sakahin ang aming kailangan. Ang pagbalik sa amin ng 144 hektaryang lupaing sakahan sa San Vicente, Sumilao ay nararapat lamang.


Hindi maaaring paalisin nang sapilitan ang mga katutubo mula sa kanilang lupa o teritoryo. Walang maaaring maganap na paglipat kung walang malaya at matalinong pagsang-ayon mula sa mga katutubo. Kailangan ding magkaloob ng katumbas na sapat at makatarungang kabayaran at, kung maaari, ay pagkakataong bumalik.

Article 10, UN Declaration on
the Rights of Indigenous Peoples

Tahuron ang katungod sa mga mag-uumang Higaonon sa Sumilao!

Labis na ang pagnanakaw sa mga lumad na Higaonon. Nariyang agawan kami ng kinagisnang kultura at pagkakakilanlan sa pamamagitan ng mga tusong pamamaraan ng pagkakait ng aming karapatang mamuno at magpasya. Nariyan din ang tahasan at walang pakundangang paghablot ng aming katutubong lupa – lupang pinaunlad at pinagyaman ng maraming henerasyon ng aming mga ninuno. Tunay ngang ang kumbersiyon ay isang porma ng paghahati-hati sa aming tribong Higaonon.

Igalang ang kinagisnang kultura at pagkakakilanlan ng katutubong Higaonon. Hayaang kami ang tumukoy ng landas naming tatahakin bilang isang lahi. Isauli ang lupang sa ami’y inagaw at pinagkait. Ibalik ang aming dangal bilang magsasakang lumad.


Kinikilala ang karapatan ng lahat sa sapat na batayan ng pamumuhay para sa kanyang sarili at pamilya, kabilang na ang sapat na pagkain, damit at tirahan, at ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng pamumuhay.

Article 11, International Covenant
on Economic, Social and Cultural Rights

Isulong ang malahutayong kalambuan para sa mga Mag-uuma sa Sumilao!

Nararapat lamang na ang mga magsasaka at hindi baboy ang nakikitang nabubuhay sa 144 ektaryang lupaing agrikultural sa San Vicente, Sumilao, Bukidnon. Sa tulong sana ng makabago ngunit umaayon sa kalikasan na mga pamamaraan sa pagsasaka na tinataguyod ng Department of Agriculture, mapapalakas at mapapaangat ang kakayahan naming magsasaka na isulong ang likas-kayang pag-unlad. Kabilang dito ang mabigyan ng masustansiyang pagkain ang aming mga pamilya sa halip na patuloy kaming kumain ng nakakalasong “kayos”. Dahil sa kumbersiyon, kami ay patuloy na nanirahan sa gilid ng kalsada. Dahil sa babuyan na isang mapanirang paraan sa paggamit ng lupang agrikultural na may natural na irigasyon na nagmumula sa Kulaman River, ang panahong sana kami ay nagpapayaman ng aming mga sakahan ay nasayang. Ang pagbalik sa amin ng 144 ektarya ang tunay na tugon sa aming kahirapan. 


Kinikilala ang saligang karapatan ng lahat na maging ligtas sa gutom. Ang bawat Estado ay dapat gumawa ng hakbang at karamptang programa para mapabuti ang mga pamamaraan ng pagtitipon, pangangalaga at pamamahagi ng pagkain sa pamamagitan ng lubusang paggamit ng kaalamang teknikal at pang-agham, pagkalat ng kaalaman ukol sa mga prinsipyo ng nutrisyon, at pagpapaunlad o pag-reporma ng mga sistemang agraryo sa paraang tungo sa pinakamahusay na paggamit at pagpapaunlad ng mga natural na yaman.

Article 11, International Covenant
on Economic, Social and Cultural Rights

Ilhon ang panginahanglan sa usa ka balaod alang sa tukmang paggamit sa yuta!

Sa lupa nagmumula ang pagkaing papawi sa gutom ng buong sambayanan. Ang lupang angkop sa pagsasaka ay hindi dapat sinasayang sa mga industriyang maaari namang ilatag sa ibang lugar na mas nararapat. Marapat na pangalagaan ang anyong pansaka ng mga lupaing mayabong at sagana sa patubig. Sa paraang ito’y napangangalagaan din ang hanapbuhay ng magsasaka at ang kasiguruhan sa pagkain ng buong bansa.


Dapat isaalang-alang ang mga suliraning hinaharap ng mga kababaihan sa kanayunan at ang mahalagang papel na ginagampanan nila sa pagtaguyod ng kanilang mga pamilya. Kabilang dito ang mga gawain sa mga sektor ng ekonomiya na walang katumbas na perang sahod. Dapat gumawa ng karampatang hakbang para siguruhin ang pagpapatupad ng Kasunduang ito sa mga kababaihan ng kanayunan.

Article 14, Convention on the Elimination of
All Forms of Discrimination Against Women

Ilhon ang katungod sa mga kababayen-ang mag-uuma ug kabataan sa Sumilao!

Pinakita naming kababaihan na kaya naming tumbasan ang pagtataya at pakikibaka para sa lupa. Ito ay nagpapatunay ng aming pantay na kakayahang magpaunlad at mag-alaga ng lupa.

Ang pagpapabaya ng DAR sa paglabag ni Quisumbing sa Conversion Order at sa patuloy na iligal na operasyon ng San Miguel sa 144 ektaryang lupain sa San Vicente, Sumilao, Bukidnon ay pagnanakaw ng pagkakataon sa aming mga kasamang kababaihang tulad ni Mally at ni Inday na magbungkal at makinabang sa lupa bilang benepisaryo ng repormang agraryo. Unti-unti ring naglalaho ang kanilang pagkakataong masiguro ang maunlad na kinabukasan para sa kanilang mga anak. Karamihan sa mga kabataan sa San Vicente ay hindi nakakatapos dahil sa kakulangan ng salaping maitustos sa kanilang pag-aaral. Kilalanin ang aming karapatan bilang kababaihang maging bahagi ng pag-unlad ng aming lupaing sakahan para sa kinabukasan ng susunod pang henerasyon ng aming lahi.


Ito ang mga karapatan ng mga magsasaka ng Sumilao. Ang pagsasawalang-bahala sa mga karapatang ito ang siyang nagtulak sa aming bawat hakbang mula Bukidnon hanggang sa Maynila. Handa naming ipagpatuloy ang mapagdusang pakikibaka upang siguruhing kikilalanin ang bawat isa sa mga karapatang ito. Dinggin ninyo kami.